LEGAZPI CITY – Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang isang lalaking lumikha ng kaguluhan sa prusisyon sa Zamora St. Brgy. Baranghawon, Tabaco City.
Bugbog-sarado ang suspek na si Vinji De Villa, 19-anyos matapos magtangkang mang-agaw ng baril ng pulis.
Ang suspek na isang estudyante ay residente ng Purok 4 Barangay San Isidro Iraya, Malilipot.
Sinasabing nasa area si Police Cpl. Nimo Magistrado upang magbigay ng area security at umalalay sa traffic management sa prusisyon kaugnay ng pag-obserba sa Semana Santa nang biglang dumating ang suspek.
Tinulak umano nito at inatake ang pulis habang tinangkang kunin ang service firearm kayat nagkagulo sa lugar.
Mabilis namang rumisponde ang mga otoridad sa kaguluhan at nakuha ang baril.
Inaresto ang suspek dahil sa direct assault at alarm and scandal subalit nang poposasan na kinagat pa ni De Villa ang kaliwang hinlalaki ni Patrolman Rolando Balingbing.
Sa kabilang dako, ilang mga deboto rin ang nagtamo ng sugat dahil sa insidente habang ang ilan ay hinimatay pa.
Samantala, bineberipika pa ng mga otoridad ang impormasyong nagsasabing dumaraan sa depresyon ang suspek.