LAOAG CITY – Positibo ang isinagawang search warrant operation sa Barangay 5, San Ramon sa bayan ng Vintar.
Nakilala ang subject ng operasyon na si Jun Paul Damo at residente sa naturang barangay.
Ang search warrant ay inilabas ni Hon. Judge Nida B. Alejandro ng RTC Branch 12 at ang hahanapin ng mga pulis ay isang kalibre 45 na baril, mga bala at 12 gauge shotgun.
Nakumpiska naman sa bahay ni Damo ang isang kalibre 45 na baril at anim na bala nito, dalawang empty shell ng 9MM at isang airgun caliber 22.
Iginiit naman ni Damo na ang pagmamay-ari lamang niya ay ang airgun at ang mga ibang nakuha ay planted umano.
Sinabi rin nito na ang operasyon ay may koneksyon sa paghaharap nila sa barangay ng isang kasapi ng PNP dahil umano sa tangkang pagsuntok ng pulis sa kanya.
Dagdag nito na humingi umano ng tawad sa kanya ang pulis.
Inihayag naman ni Police Major Arnel Tabaog, chief of police ng PNP-Vintar na ang alegasyon ni Damo sa kanila ay sasagutin nila sa korte.