-- Advertisements --

NEW YORK, USA – Nasa kritikal ang isang lalaking pasahero matapos siyang itulak sa harap ng paparating na train sa isang subway station sa Manhattan.

Nangyari ito bandang ala-1:30 ng hapon sa downtown platform ng 18th Street subway station sa Chelsea.

Nakuhanan ng video ang insidente, kung saan makikita ang biktima, isang 45-taong-gulang na lalaki, na nakatayo sa platform habang nakatingin sa kanyang telepono.

Bigla siyang itinulak ng suspek papunta sa riles, kung saan malapit nang dumaan ang train unit.

Ang biktima ay nagtamo ng fracture sa bungo at nasa kritikal na kondisyon sa Bellevue Hospital.

Nahuli naman ng pulisya si Kamel Hawkins, 23, at kinasuhan ng tangkang pagpatay.

Ayon kay Mayor Eric Adams, nakasuhan na ang suspek dahil sa mabilis na aksyon ng mga otoridad.