LA UNION – Dead on arrival sa pagamutan ang isang 37-anyos na driver matapos itong makuryente habang nagkakabit ng poste ng telco sa Brgy. Tammocalao, Bacnotan, La Union nitong Sabado ng hapon.
Base sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo La Union mula sa Bacnotan Police, nakilala ang biktima na si Isidro Delabajan, tubong Antipolo City, Rizal at kasalukuyan nakadestino sa nasabing bayan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Bacnotan Police, nagkakabit lamang ang biktima ng poste ng telco nang aksidente umano nitong nasagi ang isang high tension wire.
Nagtamo ng sugat sa katawan ang biktima at agad na itinakbo sa Bacnotan District Hospital ngunit idineklara rin itong patay ng doktor.
Dinala na sa isang punerarya sa nasabing bayan ang bangkay ng biktima.