TAPAZ, CAPIZ – Patay ang 55-anyos na lalaki matapos barilin ng riding-in tandem sa highway ng Barangay Taft, bayan ng Tapaz.
Kinilala ang biktima na si Jordan Ganzon ng Barangay San Francisco, Ta-paz, Capiz. Sa interview ng Bombo Radyo kay Police Staff Sergeant John Ferotsen Palacios, imbestigador ng Tapaz Municipal Police Station, sinabi nito na pauwi na ang biktima sakay sa kanyang bisikleta ng sundan ng dalawang suspek na nakasakay sa motorsiklo at barilin sa likod.
Sa kabila na natumba na sa kalsada ang biktima, ay pinagbabaril pa ito ng backrider na nagsilbing triggerman bago tumakas papunta sa direksyon ng Calinog, Iloilo.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang 3 cartridge at isang slug ng .45 caliber pistol.
Napag-alaman na may nakakita sa pagbaril sa biktima ngunit hindi namukhaan ng witness driver ng motorsiklo, dahil naka-helmet ito at ang backrider naman ay naka-bonnet.
Patuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang motibo sa pagpatay sa biktima.