-- Advertisements --
ROXAS CITY – Patay ang 32 taong gulang na lalaki matapos malunod sa isang resort sa Barangay Basiao, Ivisan, Capiz.
Kinilala ang biktima na si Andrew Neo Carmelo, residente ng Barangay Manhit, Passi City, Iloilo.
Base sa inisyal na impormasyon, habang naliligo sa RBM Beach Resort ang biktima kasama ang kaniyang pamilya ay bigla na lamang umano itong nawala sa paningin ng kaniyang mga kasamahan.
Dahil dito ay tumawag sa mga otoridad ang pamilya ng biktima kaya’t kaagad naman itong nirespondehan.
Umabot nang halos 30 minuto ang paghahanap sa biktima ngunit natagpuan na lamang itong palutang-lutang sa baybayin at wala nang buhay.
Pinaniniwalaang lasing ang biktima nang mangyari ang naturang trahedya.