-- Advertisements --

NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos manlaban sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Bautista, Labo, Camarines Norte.

Kinilala ang suspek na si Abdul Jalilbaute, residente ng 161 Carlos Palanca St, San Miguel, Manila at kasama rin sa Drug Related Data Integration Generation System (DRDIGS) ng mga otoridad.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO), nabatid na habang isinasagawa ang operasyon, nabili sa suspek ng nagpanggap na poseur buyer ang dalawang piraso ng heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na tinatayang aabot naman sa P40,000 ang halaga.

Ngunit, nang matunugan aniya ng suspek na pulis ang katransaksiyon, bigla na lamang aniyang bumunot ng baril ang suspek at nagpaputok na nagresulta para magkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng mga otoridad at ng suspek.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad nabatid na dahil sa insidente nagtamo ng tama ng bala ang suspek na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Kaugnay nito, aabot naman sa P80,000 na halaga ng pinaniniwalaang shabu ang nakumpiska ng mga otoridad sa nasabing operasyon.

Samantala, nakumpiska rin sa pinangyarihan ng insidente ang tag-isang medium at small heat sealed transparent plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu, mga drug paraphernalia at ipa pang mga personal na kagamitan.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa insidente.