-- Advertisements --

NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos na pagtatagain sa Barangay Tabion, Del Gallego, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Emmanuel Rustria, 58-anyos, residente ng Brgy. Sinuknipan, sa naturang bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, nabatid na habang naglalakad ang biktima pauwi sa kanilang residensiya ng bigla na lamang itong lapitan at pagtatagain ng mga suspek na kinilalang sina Mario Timba, 33-anyos asin Sonny Timba, 30-anyos, parehas residente ng Barangay Tabion sa nasabing bayan.

Dahil sa naturang insidente nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na naging dahilan ng agad nitong pagkamatay.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad nabatid na tinitingnang dahilan ng nasabing insidente ang matagal ng hidwaan ng biktima at suspek.

Samantala, agad namang naaresto ng mga opisyal ng Barangay Tabion ang mga suspek.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Del Gallego Municipal Police Station ang mga suspek para sa karampatang disposisyon habang inihahanda na ang kasong isasampa laban sa mga ito.