ROXAS CITY – Patay ang 34-anyos na lalaki matapos pagtulungang saksakin ng isang grupo ng kalalakihan sa Brgy. Poblacion, Tapaz, Capiz.
Nagtamo ng apat na sugat sa dibdib at likod ang biktima na si Albert Despa-er.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay P/Cpt. Bryan Fallera, hepe ng Tapaz PNP, sinabi nito na namamasyal ang grupo ng biktima sa plaza ng nasabing bayan nang magkasalubong sila ng grupo ng mga suspek at nagkainitan.
Pauwi na ang grupo ng biktima nang tambangan ng mga suspek.
Nakatakbo ang ibang kasamahan ni Despa-er ngunit naiwan ito kaya siya na lamang ang nakipagsuntukan sa mga suspek na nakilala ng mga pulis na sina Jasper Barnizo; Jonel Excel; Ranel Excel ng Daan Sur, Tapaz; at apat na iba pa.
Ngunit hindi inaasahan ng biktima na may dalang kutsilyo ang mga suspek na siyang ginamit sa pagsaksak kay Despa-er.
Kaagad na dinala sa ospital ang biktima, ngunit idineklarang dead on arrival.