DAGUPAN CITY – Patay ang isang 53-anyos na lalaki sa bayan ng Bayambang, Pangasinan matapos paghahampasin ng kahoy ng sariling kapatid sa kanilang bahay.
Kinilala ang biktima na si Armand Palisoc, residente ng Maliwer, Bayambang.
Ayon sa imbestigasyon, nanonood ng telebisyon ang biktima kasama ang kanilang ama nang biglang dumating ang lasing na suspek na si Cesar Palisoc.
Hinamon daw ng away ng suspek ang kanilang ama kaya umawat ang biktima pero siya ang napagbalingan ng galit ng suspek.
Nagtamo ang biktima ng sugat sa ibat ibang bahagi ng kanyang katawan pero napuruhan siya sa batok.
Nagtamo rin ng bukol ang kanilang ama matapos hinampas ng suspek.
Isinugod pa sa ospital ang biktima subalit, binawian ng buhay.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang kahoy na ginamit ng suspek.
Iginiit naman ng suspek na wala siyang kinalaman sa pagkamatay ng kanyang kapatid.
Desidido naman ang mga kaanak ng biktima na magsampa ng kaso kahit kapatid pa nila ang suspek.