-- Advertisements --

LAOAG CITY – Patay ang isang lalaki matapos pinagsasaksak ng sariling kapatid sa Brgy. Natba, Bacarra, Ilocos Norte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Police Captain Dionisio Baldillo, hepe ng PNP Bacarra, lulong sa alak ang magkapatid nang magkaroon ng hindi pagkakaintindihan hanggang umabot sa pananaksak ng suspek.

Kinilala ni Baldillo ang suspek na si Elson Paulino, 42-anyos, habang ang biktima ay si Edwin Paulino, 34-anyos.

Sinabi ng hepe na ito na ang pinakamalalang alitan ng magkapatid.

Nagkaroon din ng komprontasyon ng biktima sa kanyang kuya hinggil sa isinanlang lupa na posibleng isa sa dahilan ng pananaksak.

Dagdag ni Baldillo na hindi na interesado ang kanilang ina na magsampa ng reklamo laban sa anak nitong suspek.