-- Advertisements --

CEBU CITY – Nasa punerarya na ang labi ng isang 56-anyos na ama matapos nitong silaban ang sarili sa loob ng kanyang pamamahay sa Brgy. Basak, lungsod ng Lapu-Lapu, sa Cebu.

Kinilala ang biktima na si Norman Mangubat Oyao, residente ng nasabing barangay.

Ayon sa pamangkin ni Oyao na si Berna Flor Dayuhim, depresyon umano ang nagtulak sa biktima upang ito’y buhusan ng gaas saka naman sinilaban ang sarili.

Napag-alamang iniwan umano si Oyao ng kanyang asawa at may alitan umano ito sa kanyang kapatid.

Agad namang rumesponde ang mga bumbero nung sumiklab ang sunog mula sa kwarto ni Oyao.

Nang maapula na ito, ay narekober naman ng mga bumbero ang sunog na katawan ng biktima.

Hindi naman makapaniwala si Dayuhim na magagawa umano ng kanyang tyuhin ang pagpapakamatay nito matapos ang ilang beses umano nitong pagbabanta.