-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Pinaniniwalaang magnanakaw ang lalaki na nahulog mula sa ika-anim na palapag ng isang hotel sa Kisad Road, Baguio City, kaninang madaling araw.

Batay sa report ng pulisya, isa sa mga bisita ng hotel at biktima ng nasabing lalaki ang nakakita sa insidente.

Batay sa salaysay ng hotel guest, nagising ito dahil sa malakas na ingay na nagmumula sa bintana ng kanilang silid at doon niya nakita ang lalaki na palabas mula sa nakabukas na bintana at ang pagkahulog nito.

Paniniwala ng guest, sa nakabukas na bintana ng kanilang silid pumasok ang lalaki para kunin ang ilan nilang mga personal belongings.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo sa mga personnel ng hotel, abala ang mga ito dahil sa gaganaping kasal doon ngayong araw kaya hindi nila napansin na nakapasok na pala ang lalaki.

Pinasok umano ng lalaki ang mga silid ng mga bisita at kinuha ang mga personal belongings ng mga ito.

Nakumpiska mula sa kanya ang 11 Android phones kasama na ang isang iPod, isang Singapore dollar at P1,510 cash.

Ayon pa sa mga pulis, ang namatay na lalaki ay suspek sa ilan pang kaso ng pagnanakaw sa ilang hotels sa Baguio City.