LAOAG CITY – Tuluyang namatay ang isang lalaki matapos nahulog sa bangin sa bahagi ng Sitio Maligligay, Adams-Pancian Road sa bayan ng Adams sa Ilocos Norte.
Ito’y sa gitna umano nang tangkang pagsagip sa naaksidenteng pinsan kung saan naisampay sa puno ang sinakyan nitong motorsiklo.
Kinilala ni Police Captain Artemio Clemente, chief of police sa Adams, ang nasawing biktima na Raymund Reyes y Ortega, 35-anyos na construction worker.
Habang ang naaksidenteng pinsan nito ay si Mark Anthony Ortega, 31-anyos na bus conductor, may asawa, residente rin ng Barangay Pancial sa bayan ng Pagudpud.
Sinabi ni Clemente na unang nag-inuman ang biktima at mga pinsan nito sa Barangay Pancian sa Pagudpud bago sila nagtungo sa Adams kung saan nangyari ang insidente.
Nahulog ang biktima sa bangin na may lalim na 20 metro at bumagsak sa bato.
Dinala ang biktima sa Rural Health Unit sa Adams subalit idineklarang dead on arrival.