-- Advertisements --

LAOAG CITY – Dead on the spot ang isang lalaki matapos mabangga ng isang delivery van sa bahagi ng Barangay Tabug sa lungsod ng Batac, dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Nakilala ito na si Patrick Domingo, 21-anyos, walang asawa, isang construction worker at residente sa Barangay Sta. Cruz sa bayan ng Currimao habang ang driver ng delivery van ay si Emerson Duran, 30-anyos.

Ayon kay Police Major Artemio Clemente, deputy chief of police ng PNP-Batac, habang patungong hilagang direksyon si Domingo na nakasakay ng motorsiklo ay nakabangga nito ang nakasalubong na delivery van.

Sa lakas umano ng impact ng pangyayari ay tumilapon si Domingo, nagtamo ng malalang sugat partikular sa ulo at nawasak pa ang suot na helmet at naikalat sa kalsada ang utak.

Matapos umano nito ay inaro pa ng delivery van ang isang kotse, isang motorsiklo at isa pang van dahilan para magtamo rin ng mga gasgas ang mga driver ng nasabing behikulo.

Lumalabas sa inisyal ng imbestigasyon ng mga otoridad na kahit alanganin na ay nag-overtake umano si Domingo dahilan ng nasabing insidente.