Nasawi ang isang lalaki matapos ang nangyaring aksidente dakong alas 10 kagabi, Disyembre 14, na kinasasangkutan ng isang motorsiklo at pampasaherong bus sa Brgy. Montañeza sa bayan ng Malabuyoc Cebu.
Nakilala ang nasawi na si John Edward Carilla, 35 anyos habang ang drayber ng bus ay kinilalang si Dandy Garces, 50 anyos at residente sa bayan ng Alcoy Cebu.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PSSgt Kerris Catulay, Assistant investigator ng Malabuyoc Municipal Police Station, lumalabas pa sa kanilang inisyal na imbestigasyon na patungong timog na bahagi ang pampasaherong bus habang sa kabilang direksyon naman ang motorsiklo.
Sinabi ni Catulay na dumaan sa lane ng paparating na bus si Carilla kaya naman sinubukan ni Garces na iwasan ito ngunit sa kasamaang palad ay nagresulta ito sa banggaan at sumalpok sa ilalim ng sasakyan ang motorsiklo.
Naisugod pa umano ito sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival.
Dagdag pa, napag-alaman din ng pulisya na nakainom ng nakalalasing na inumin si Carilla bago mangyari ang aksidente.
Nasa kustodiya naman ng Malabuyoc Police station si Garces ngunit sinabi ni Catulay na makakalabas din ito kapag natapos na ang areglo sa magkabilang panig.