-- Advertisements --

VIGAN CITY – Patay ang isang 27-anyos na lalaki dahil sa pagsalpok ng sinakyan nitong motorsiklo sa kasalubong na Isuzu Dmax Pick-Up sa kalsadang sakop ng Barangay Pangada, Sta. Catalina nitong Miyerkules ng gabi.

Nakilala ang biktima na si Adrian Abuluyan na isang empleyado ng isang motorcycle dealer na taga-Tamurong, Sta. Catalina, Ilocos Sur na nagmaneho ng Yamaha Mio Mxi motorcycle, samantalang ang nagmaneho naman ng pick-up ay si Jonard Paz, 22-anyos, binata, waiter sa isang hotel at barangay kagawad ng Barangay Capangdanan, Bantay.

Binabagtas ng pick up ang kalsada sa Barangay Tamurong nang makarating ito sa intersection sa nasabing lugar, nangyari ang aksidente matapos na hindi umano nito mapansin ang kasalubong na motorsiklo ng biktima na pauwi na sana sa kanilang bahay mula sa trabaho.

Pinaniniwalaang nakainom ang nagmaneho ng pick up kaya hindi nito napansin ang kasalubong na motorsiklo ng biktima.

Dahil sa lakas ng salpukan, pinaniniwalaang tumilapon ang biktima sa layong 10 hanggang 20 metro mula sa pinangyarihan ng aksidente kaya nagtamo ang biktima ng malalang sugat sa ulo na siyang ikinamatay nito bagama’t nakasuot ito ng helmet.

Samantalang ang nagmaneho naman ng pick-up ay nasa kustodiya na ng Sta. Catalina municipal police station kung saan haharapin nito ang kasong nakatakdang isampa laban sa kaniya ng pamilya ng biktima.