VIGAN CITY – Patay ang isang 20-anyos na lalaki matapos na makabanggaan ng sinakyan nitong kurong-kurong ang isang provincial bus sa national highway ng Brgy. Quinsoriano, Sta. Cruz, Ilocos Sur.
Nakilala ang biktima na si James Anthony Razonable samantalang ang nagmaneho ng provincial bus na nasangkot sa aksidente ay si Ismael Dela Cruz, 44-anyos na residente ng Cabaloangan Sur, Rosales, Pangasinan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay P/Cpt. Roger Baling-oay Jr., hepe ng Sta. Cruz municipal police station, patungong hilagang direksyon umano ang nasabing bus habang nasa outer lane naman ang kurong-kurong na sinakyan ng biktima, kasama sina Filemon Raras at Jerome Jalaba nang bigla na lamang nag-left turn ang kurong-kurong na siyang rason kung bakit nabangga ng bus ang likurang bahagi ng sinakyan ng biktima at mga kasamahan nito.
Dahil sa impact ng pagkakabangga ng bus sa likurang bahagi ng kurong-kurong, nawasak ang nasabing sasakyan at nagtamo ng malalang sugat sa ulo ang biktima kung saan muntik na itong hindi makilala ng kaniyang pamilya dahil sa pagkakawasak ng mukha nito na siyang rason ng kaniyang agarang kamatayan.
Samantalang ang mga kasamahan naman nito ay naitakbo sa Ilocos Sur District Hospital – Sta. Lucia ngunit nailipat sa Ilocos Training Regional and Medical Center, San Fernando City, La Union.