NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos pagsasaksakin sa Sipocot, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Martin Garcia, 24-anyos, residente ng Brgy. Serranzana sa naturang bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na nakatanggap na lamang ng tawag ang Sipocot PNP mula sa mismong kapitan ng naturang barangay hinggil sa insidente.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad nabatid na kapwa nakainom ang biktima at ang suspek na kinilalang si Marlon Bermundo, 35-anyos, residente rin ng nasabing lugar, ng magkaroon ang dalawa ng mainit na argumento.
Dahil dito, bigla na lamang pinagsasaksak ni Bermundo si Garcia.
Napag-alaman din na nagtamo ng dalawang saksak sa may dibdib ang biktima na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad gayundin ang paghahanap sa suspek na agad namang tumakas matapos ang krimen.