-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Patay ang isang lalake matapos na pinagtataga ng may problema sa pag-iisip sa Barangay Mobo sa bayan ng Kalibo, Aklan.

Natagpuan na lamang na naliligo sa sariling dugo ang biktimang si Jenson De Juan, sa legal na edad at residente ng Barangay Bagto sa bayan ng Lezo matapos tagain sa leeg at ulo ng mismong pinsan nito na si Dante Morales, 51-anyos at residente ng nasabing bayan.

Bago pa man ang insidente ay pinaghahabol ng suspek ang kaniyang mga kapit-bahay habang tangay-tangay ang dalawang itak hanggang sa nakarating ito sa Barangay Aliputos sa bayan ng Numancia.

Ayon kay PSSgt. Iriel Fernandez ng Numancia Municipal Police Station, nakipaghabulan sa kanila ang suspek hanggang sa naabutan nila ito sa masukal na sagingan sa nasabing lugar.

Kaagad na inaresto si Morales na nasa ilalim ng impluwensya ng alak at nanlilisik pa ang mga mata nito.

Maliban kay Morales, may dalawang kapatid pa ito na may problema din sa pag-iisip.

Sa kasalukuyan ay nakakulong si Morales sa himpilan ng Kalibo Municipal Police Station matapos na itinurn-over ng Numancia PNP personnel.