CAUAYAN CITY – Isang lalaki ang binugbog ng halos 10 pulis na kanilang nakalaro sa basketball sa San Fabian, Echague, Isabela.
Ang biktima ay si Jayson Macutay, 21 anyos at residente ng nabanggit na lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ng biktimang si Jayson Macutay, 27 anyos, residente ng San Fabian, Echague, Isabela na nauna rito noong January 19, 2022 ay magbabasketball sana silang magbabarkada para magpapawis ngunit dumating ang grupo ng mga pulis at inaya silang magbasketball na kanilang sinang-ayunan.
Una pa lamang anya ay agresibo nang maglaro ang mga pulis at naamoy ng mga kasama ni Macutay ang isang pulis na umanoy amoy alak ngunit pinagpatuloy nila ang laro.
Sa simula pa lamang anya ng laro ay hindi naging maganda ang laro ng mga pulis dahil ilan sa kanila ang nanunulak ngunit dahil sa laro lamang ay ipinagpatuloy pa rin ang laro
Na-foul at naipit anya ang isang pulis na kalaunan ay nakilalang si PCapt. Teresito Calimposan Jr., Commanding Officer ng 205th Manueuver Company ng Regional Mobile Force at pagtalikod ni Jayson ay ibinalibag sa kanyang likuran ang bola at dahil nasaktan ay sinuntok niya ang naturang opisyal ng pulisya .
Dito na siya pinagtulungan ng halos 10 pulis at sinabihan siyang hepe nila ang kanyang sinuntok.
Hinawakan anya si Macutay at pinagbubogbog ng mga naturang pulis.
Hindi anya siya gumanti at naramdaman na lang niyang masakit ang kanyang mga braso, tagiliran, mukha at ang pinakamasakit ay ang kanyang ulo hangang hindi na alam ang mga sumunod na pangyayari.
Batay sa medical certificate na inilabas ng Echague District Hospital, nagtamo ang biktima ng Contusion hematoma secondary to mauling.
Nagharap harap anya sila sa himpilan ng pulisya ngunit tanging si Captain Calimposan at isang pulis ang humarap sa biktima at nais nilang makipag-areglo.
Nanindigan si Macutay na sampahan ng kaso ang mga pulis na nambugbog sa kanya dahil hindi biro ang ginawa sa kanya ng mga pinaghihinalaan.
Sa ngayon ang biktima ay nagpapagaling na sa pagamutan.
Samantala, inihayag naman ni Captain Teresito Calimposan Jr. na humingi siya ng paumanhin sa ginawa ng kanyang mga tauhan sa biktima
Ayon kay Captain Calimposan, noong naglalaro sila ng basketball ay natapunan niya ng bola si Macutay at nabigla siya ng sinuntok na siya sa ulo.
Naging dahilan ito upang bugbugin din ng kanyang mga tauhan si Macutay ngunit kanya inawat. .
Sinabi niya na dumayo sila sa San Fabian, Echague, Isabela dahil taga roon ang kasamahan nilang pulis na may birthday at napagkasunduang magpapawis sa pamamagitan ng basketball bago kumain.