-- Advertisements --

ROXAS CITY – Naaresto ng mga operatiba ang 36-anyos na mister na nang-hostage sa kanyang isang taong gulang na anak at dalawang kapitbahay sa Mejorada Subd., Barangay Inzo Arnaldo, Roxas City.

Kinilala ang suspek na si Randy Ric Alipongan at nakatira sa naturang lugar.

Sa interview ng Bombo Radyo kay PMSgt. Ronnie Recto, imbestigador ng Roxas City PNP, bandang alas-7:00 ng umaga nang bigla na lamang hinostage ng suspek ang kanyang anak at dalawang matanda.

Aniya, habang karga nito ang kanyang anak ay bigla na lamang itong nagwala at binitawan ang anak.

Kasunod nito nakita ng suspek ang isang 86-anyos na babae na si Enriqueta Batuigas at bigla na lamang sinakal.

Agad naman na dumating si Geovani Amarillo at matagumpay na nailigtas ang kanyang manugang mula sa suspek.

Matapos ang nangyari agad na kumuha ang suspek ng matalim na flamengko at kinuha ang anak na lalaki.

Nagkataon naman na dumaan si Ma. Elena Bereber at nagboluntaryo na siya na lamang ang saktan ng suspek at hindi anak.

Nabatid na tinangka pa ng suspek na saksakin si Bereber ngunit maswerte na lamang na nakaiwas ito ngunit naabot naman ang kanyang kamay dahilan na nagtamo ito ng sugat sa kamay.

Dumating naman si Retired PNP Alex Aldea at nagpakiusap sa hostage taker na bitawan ang hawak nito at sumuko sa mga otoridad.

Sumunod naman ang suspek at ngayon nakakulong na sa Roxas City Police Station.

Napag-alaman na gumamit pa ng iligal na droga ang suspek bago pa man ang insidente.