Arestado ang isang 34-anyos na lalaki matapos akusahan na nagpakita ng kanyang ari sa harap ng isang gasoline station staff sa Consolacion, hilagang Cebu.
Sa ulat ng pulisya, kinilala ang suspek na si Julan Bugtai, residente ng Barangay Pitogo, sa bayan din ng Consolacion.
Tinangka umano ni Bugtai na pasukin ang cashier area sa isang gasolinahan sa Barangay Pitogo noong Martes ng gabi, Oktubre 11.
Nakita siya ng isa sa mga cashier na sinusubukang pasukin ang restricted area ngunit natakot at nabigla umano ito nang makitang ipinakita ng lalaki ang kanyang pribadong bahagi.
Agad namang tumawag ng pulis ang cashier para humingi ng tulong.
Nang dumating ang mga enforcer mula sa Tactical Motorcycle Riding Unit ng Consolacion police, nakatakas na ang suspek ngunit nahuli ito ng closed-circuit television (CCTV) camera ng establisemento.
Inaresto si Bugtai kinabukasan, bandang ala-1 ng hapon noong Miyerkules, matapos mahanap ng mga imbestigador ang kanyang kinaroroonan.
Pansamantalang nakakulong sa Consolacion Police Station ang suspek at mahaharap sa kasong unjust vexation.