VIGAN CITY – Kalunos-lunos ang sinapit ng isang lalaki sa Cabugao, Ilocos Sur matapos itong pagsasaksakin ng 15 beses at ginilitan pa ito sa leeg.
Nakilala ang biktimang si Rowel Garcia Sunio, 29, at napag-alamang may problema sa kaniyang pag-iisip at ang suspect na si Warlito Sapla Soto, 30, na parehong residente ng Barangay Namruangan sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay PCpt. Ramil Llarenas, hepe ng Cabugao Municipal Police Station, natagpuan ang bangkay ng biktima na tadtad ng saksak sa kanyang katawan sa bukiring sakop ng nasabing barangay.
Lumabas sa imbestigasyon na ugali na umano ng biktima na mambato ng bahay sa kanilang lugar ngunit tila ang bahay ng suspect ang parati nitong binabato at kagabi ay nangyari ang karumal-dumal na krimen.
Sa ngayon nahaharap sa kasong murder ang suspek na nakapiit sa Cabugao Municipal Police Station.