ILOILO CITY – Arestado ang isang lalaki matapos umanong nagpanggap na hinold-up ng dalawang lalaki sa bayan ng San Miguel, Iloilo.
Ang lalaki ay si Erick Rotela, 44 taong gulang ng Brgy. San Antonio ng nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay PLt. Joebert Amado, acting chief of police ng San Miguel Municipal Police Station, sinabi nito na pumunta mismo si Rotela sa police station upang i-report ang hold-up incident umano kung saan tinangay ang kanyang pera at cellphone.
Inilarawan pa ni Rotela ang dalawang lalaki at ang kulay ng kanilang mga kasuotan.
Pinuntahan ng mga pulis ang lugar kung saan hinold-up umano si Rotela ngunit nagduda ang mga ito.
Ayon kay Amado, kung talagang hinold-up si Rotela, hindi niya malalamanan ang kulay na suot ng mga lalaki dahil sobrang dilim ng lugar.
Kanilang kinausap ang 44 taong na lalaki at inamin nito na gawa-gawa niya lang ang kwento upang may idahilan sa kanyang inutangan sa trabaho.