KORONADAL CITY – Nakakulong na ngayon sa Banga, Municipal Police Station ang isang binata matapos gahasain ang sariling tiyahin sa Brgy. Cabudian, Banga, South Cotabato.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay P/Major Joseph Forro, hepe ng Banga PNP, kinilala ang suspek na si John Mark Balado, 22, isang laborer na nakatira sa Purok Malipayon sa nasabing barangay.
Sa imbestigasyon ng Banga PNP, bago nangyari ang krimen ay nag-away umano ang suspek at ang tiyahin nitong si Alyas Elvie, 57, dahil lamang sa ulam.
Nagalit umano ang suspek na nagresulta sa pangagahasa nito sa kaniyang tiyahin.
Matapos ang krimen ay tinangka pang magtago ng suspek ngunit naireport agad ito sa Banga PNP at agad na nahuli sa tulong ng mga Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs).
Dagdag pa nito na wala umanong indikasyon na lasing ang suspek nang ginawa an krimen at nasa normal na pag-iisip.
Dipensa ng suspek na sinakal lamang nito ang tiyahin at hindi ginahasa.
Sa ngayon nahaharap sa kasong rape ang nasabing suspek.