-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nabunyag ang matagal na panahon na umanong panggagahasa ng isang amain sa isang menor de edad sa Brgy. Laconon, T’Boli, South Cotabato.

Ito ang kinumpirma ni PMaj. Irish Parangan, hepe ng T’boli PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Parangan, lumabas sa kanilang imbestigasyon na tatlong taon nang dinaranas ng isang menor de edad ang panggagahasa sa kamay mismo ng kanyang amain sa kanilang tahanan.

Dagdag pa ni Parangan, habang nasa labas ng bansa ang ina ng biktima dahil isa itong OFW, ginagawa naman ng suspek ang krimen sa menor de edad.

Dahil sa napansin ng lola ng menor de edad na wala na itong ganang umuwi sa kanilang tahanan ay dito na ikinuwento ng biktima ang nangyari sa kanya sa kanilang tahanan.

Agad namang dumulog ang pamilya ng biktima sa mga otoridad para sa naturang kaso at napaabot na sa alkalde na si Mayor Dibu Tuan ang nasabing pangyayari.

Hindi nagtagal ay inilunsad ang isang operasyon para sa pagkakaaresto sa suspek.

Sa ngayon nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek habang nasa Municipal Social Welfare and Development Office naman ang biktima.