LAOAG CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos mabaril ng mga pulis habang isinasagawa ng PNP-Pasuquin ang Anti-illegal gambling operation sa Barangay Davila sa nasabing bayan.
Nakilala ang biktima na si Mr. Reynald Rapol, 19-anyos, may asawa at residente sa naturang barangay.
Base sa inisyal na impormasyon, habang nagsusugal umano ang grupo ng biktima ay nakita nila na paparating ang mga pulis dahilan para magtakbuhan ngunit nagpaputok ang mga ito at natamaan si Rapol.
Agad rin itinakbo ng mga pulis ang biktima sa ospital dito sa lungsod ng Laoag matapos ang pangyayari dahil sa tama sa hita at braso.
Ganunpaman, iginiit ni Mrs. Flordeliza Rapol, ina ng biktima na hindi naglalaro ang kanyang anak at nanonood lamang habang hinihintay ang paparating na bangka mula sa laot.
Tinanong pa umano nito sa mga pulis kung ano ang kanilang pangalan ngunit tumangging sabihin kayat sinabihan niya ang kanyang pinsan na videohan ang mga ito ngunit bigla umanong inagaw ang cellphone at binura ang mga video.
Sinabi pa umano ng mga pulis na nadapa lamang ang biktima kaya siya nagkasugat na sobrang ikinagalit ng ina.
Nabatid na dahil sa galit ay sinabi na hindi porke’t mga pulis ito ay may karapatan na silang bumaril ng kahit sino.
Naakusahan rin ang mga pulis na nakainom ng alak habang isinasagawa ang operasyon at nakasibilyan pa umano ang mga ito.