-- Advertisements --

NAGA CITY- Sugatan ang isang indibidwal matapos na mahagip ng isang pampasaherong bus at mabangga sa isang wing van truck sa Candelaria, Quezon.

Kinilala ang nasugatan na si Alyas Jay, 25-anyos, residente ng Brgy. Paciano, Bay Laguna.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ni Alyas Jay ang kahabaan ng Maharlika Highway, Brgy. Mangilag Sur, Candelaria, Quezon gamit ang pinagmamanehong tricycle ng aksidente itong mahagip ng pampasaherong bus na naging dahilan upang mapasok nito ang kabilang linya at mabangga ang isang wing van truck na nasa opposite na deriksyon at pinagmamaneho ni Alyas Rubelyn, 44-anyos, residente ng Brgy. San Ramon, Lorenzo Ruiz, Camarinez Norte.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na dahil sa insidente nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan si Alyas Jay na kaagad naman na isinugod sa ospital para sa asistensiya medikal.

Sa ngunyan, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad patungkol sa nasabing insidente.