-- Advertisements --

NAGA CITY- Sugatan ang isang indibidwal matapos saksakin sa Atimonan, Quezon.

Kinilala ang biktima na si alyas Tedy, 48-anyos, residente ng Brgy. Balugohin sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang naglalaro ng kanyang cellphone ang biktima ng magkaroon ng mainit na argumento sa pagitan nito at sa suspek na kinilalang si alyas Michael, 26-anyos, residente rin ng nasabing lugar patungkol sa kanilang trabaho na nagresulta sa pananaksak ng suspek sa biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na dahil sa insidente, nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan si alyas Tedy na kaagad naman na dinala sa ospital para sa asistensiya medikal.

Samantala, napag-alaman naman na parehong nasa impluwensiya ng alak ang suspek at biktima ng mangyari ang insidente.

Sa ngayon, nasa kostodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang kaparusahan.