KALIBO, Aklan — Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa pagkamatay ng isang lalaking tinadtad ng taga ng hindi pa kilalang salarin sa Brgy. Manika, Libacao, Aklan.
Ang biktimang nagtamo ng taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan at halos mahati na sa dalawa ay nakilalang si Melvin Asiong, 51, isang magsasaka at residente ng Brgy. Loctuga sa nasabing bayan.
Ayon kay Police Major Jose Marlon Murallo, hepe ng Libacao Police Station, habang nakikipag-inuman ang biktima sa isang lamay, bigla itong naihi at pumunta sa madilim na bahagi.
Maaring sinundan umano ito at pinagtataga ng salarin.
Matapos ang pananaga ay mabilis na tumakas ang suspek.
Dagdag ni Murallo, hindi agad nagawang lapitan ng mga residente sa lugar ang biktima sa takot na baka pati sila ay madamay at kinaumagahan pa nila ito binalikan.
Kasalukuyan pang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek at motibo sa krimen.