ROXAS CITY – Patuloy ngayon ang isinasagawang search and retrieval operation ng Maayon Emergency Response Team (MERT) at Philippine Coast Guard-Capiz Chapter matapos na diumano tangayin ng malakas na tubig baha ang isang lalaki na sakay sa tricycle at patawid na sana sa ilog ng Barangay Old Guia at Barangay New Guia, Maayon, Capiz.
Kinilala ang biktima na si Cornillo Dapulasa 50-anyos at residente ng Barangay New Guia sa naturang bayan.
Sa interview ng Bombo Radyo Roxas kay Brgy. Kagawad Rannier Cantiller na humingi pa ng tulong ang biktima sa tanod matapos na huminto sa gitna ng tulay ang minamanehong tricycle.
Dahil dito, bumaba pa ang biktima upang humingi ng tulong sa tanod para sana hilain na lamang ang tricycle pabalik.
Agad naman na kumuha ng tali ang tanod ngunit sa pagbalik nito ay wala na ang tricycle sa ibabaw ng tulay at ang biktima.
Sinasabi na posible tinangay ng malakas na tubig baha ang naturang biktima at ang kanyang tricycle.
Nabatid na lampas na sa tulay ang tubig baha ngunit sinubukan pa rin nito na tumawid.
Ayon naman sa ilang mga residente sa Barangay Jebaca na nakita pa nila ang biktima habang tinatangay ng tubig baha sa ilog at humihingi ng tulong.
Ngunit hindi nila ito matulongan dahil patuloy na itong inaanod ng tubig.
Samantala, sinabi naman ni Petty officer, Third Class PO3 Joe Marie Amenazar ng PCG-Pilar Sub Station na hindi tumitigil ang mga coast guard sa paghahanap sa biktima.
Sa ngayon, umaasa pa rin ang pamilya nito na ligtas at buhay ang kanilang kamag-anak.