-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Makakauwi na sa kanilang lugar ang isang lalaki na nabatid na 10 araw na naglakad mula Sorsogon patungong Daraga, Albay matapos maloko ng pinasukang agency.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PSSgt. Marian Jess Rico ng Daraga PNP, nagtungo aniya sa himpilan si Justine Chua, 42-anyos upang magpatulong na makauwi sa San Antonio, Gloria, Oriental Mindoro.

Bitbit nito ang ilang piraso ng cardboard kung saan nakasulat ang mga pinagdaanan at reklamo.

Batay sa mga ipinakitang dokumento, napag-alamang isang electrician si Chua sa kanilang lugar.

Salaysay nito, dinala siya ng contractor sa Sorsogon upang magtrabaho sa isang construction noong Oktubre 2021.

Subalit matapos ang buwan ng Disyembre, iniwan ito ng contractor at hindi na ibinigay ang tatlong buwang sweldo.

Bigo ring makahingi ng pera para sa pamasahe sana nito pauwi sa Oriental Mindoro, kaya’t nagdesisyon na lamang na maglakad ng 10 araw para makarating sa Daraga.

Hindi naman nagdalawang-isip na tumulong ang Daraga PNP at sinamahan si Chua sa ilang ahensya ng pamahalaan upang mabigyan ng financial assistance.

Inihatid na rin ito sa bus terminal pauwi sa kanilang lugar nang makalikom na ng sapat na pamasahe.