-- Advertisements --

(Update) BACOLOD CITY – Walang nakikitang foul play ang pamilya at pulisya sa pagkadiskubre sa bangkay ng lalaking pinaniniwalaang nagpakatiwakal sa kanyang kuwarto sa Lungsod ng Bacolod kasabay ng Valentine’s Day.

Ito ang naging pahayag ni Police Major Jovil Sedel, commander ng Police Station 1, kaugnay sa sinapit ng 20-anyos na lalaki na nakatali ang leeg gamit ang kulay dilaw na lubid kahapon ng umaga.

Sa pag-usisa ni Major Sedel sa ina ng biktima, wala naman silang nakitang senyales ng depresyon dito ngunit kahapon lang nadiskubre nila na 30 beses itong tumawag sa kanyang girlfriend (GF) simula madaling araw, ngunit hindi ito sinasagot.

Posible ayon sa station commander na may hindi pagkakaintindihan ang magkasintahan at dahil Valentine’s Day pa naman, na-depress ang biktima kaya ito nagpakamatay.

Nag-request na ang Station 1 sa pamilya na ipa-autopsy ang bangkay ng biktima ngunit kumbinsido na ang mga ito na nagbigti talaga ang 20-anyos.