-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Patay na nang makita ang isang lalaki na unang naireport na nawawala, ilang araw na ang nakakaraan sa Barangay 2 Can-Avid, Eastern Samar.

Ayon kay Patrolman Vincent Magro, Information Officer, Can-Avid Municipal Police Station, nitong Lunes nang mawala ang 19-anyos na lalaki kung saan nagpaalam diumano ito sa kanyang magulang na pupunta lamang ito sa paaralan upang asikasuhin ang kanyang enrollment ngunit hindi na ito umuwi mula noong araw na iyon.

Matapos ang dalawang araw ay nakita na lamang ang biktima na wala nang buhay sa sementeryo.

Pinaniniwalaang nagpakamatay ito sa pamamagitan ng pagbaril sa kanyang sarili.

Nabatid na ang caliber 38 na baril na ginamit ng biktima ay pagmamay-ari ng kanyang pumanaw na lolo.

Ang nasabing baril ay nakatago lang sa kanilang bahay at lumalabas na kinuha ito ng biktima bago umalis sa kanilang bahay.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, ang labis na kalungkutan ng biktima dahil hindi ito naisama sa listahan ng enrolled students sa kanilang paaralan para sa 1st year college ang isa sa tinitingnang dahilan sa pagpapakamatay nito.

Wala namang nakikitang foul play ang mga kapulisan sa insidente.