-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Inihahanda na ng pulisya ang kasong murder laban sa suspek na nasa kustodiya ng Makar Police Station na si Bryan Abel Amarila alias ​​​​Kurayot, 19 taong gulang, isang laborer mula sa Zone 1-B, Barangay Bula sa lungsod ng General Santos.

Ito ang itinurong nakapatay kay Baim Ago Intoman, 27 taong gulang, isang driver mula sa Purok Kulasi, Brgy. Kagalang-galang, GenSan.

Ayon kay P/Maj. Carl Jayson Baynosa, Chief of Police ng Makar Police Station, natagpuan ang bangkay ng biktima sa Blk. 6, Lot 15, Bulaong Extension, Barangay Labangal na may saksak sa kaliwang bahagi ng dibdib nito.

Una rito, natagpuan ang biktima na lasing at kinaumagahan ay natagpuang patay na nakahandusay sa gilid ng kalsada.

Sa imbestigasyon, nagkaalitan umano ang biktima at ang suspek.

Nalaman rin mula sa pamilya na umano’y galing ang biktima sa isang lamay ng kakilala nito.

Kinumpirma naman ng opisyal na dati ng nakulong ang biktima dahil sa ilegal na droga.