-- Advertisements --
IMG b112745b47f3188f4cb8acadb0b8d7f9 V

Inihahanda na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kasong isasampa laban sa isang indibidwal na ginagamit ang pangalan ni Sen. Bong Go para mangikil ng pera mula sa mga kilalang negosyante at pribadong mga indibidwal.

Ayon kay NBI Officer-in-Charge (OIC) Director Eric B. Distor nasa P6 million ang kabuuang nakulimbat ng suspek na kinilalang si John Carlos Pedragosa Garcia.

Sinabi ni Distor na nag-ugat ang operasyon sa inihaing reklamo ng isa sa mga biktima dahil umano sa pagpapanggap ni Garcia na konektado ito kay Sen. Go at nakapambiktima ng mga negosyate at mga private individuals sa Albay, Laguna, Quezon at Rizal.

Agad namang kinausap ng NBI-Special Operations Group (SOG) ang ilan pang biktima na nagkuwento ring nagbigay ng P50,000 sa suspek at ibinigay ang pangalan ng iba pang nabiktima ni Garcia.

Kinabukasan, agad nagtungo ang NBI operatives sa San Pablo, Laguna at nakipagkita naman sa isa pang biktima na inalok umano ng kakilala ni Garcia ng proyekto o ang construction ng pasilidad para sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Corporation sa Buhatan, Sto. Domingo, Albay. 

Agad naman daw tinanggap ng biktima ang proyekto at nakipagkita sa suspek at sinabi nitong kaibigan niya ang secretary ni Senator Go na si Geraldyne Riano (Riano).

Humingi raw si Garcia ng P1 million bilang advance payment na gagamitin sa kanilang proyekto sa Albay at Malunay, Quezon. 

Nangako pa raw an subject na si Garcia na aayusin nito ang pakikipagpulong nila sa senador pero hindi raw ito nangyari.

Dahil dito, nagtungo na ang biktima sa opisina mismo ni Sen Go at nasurpresa ito hindi raw empleyado ng senador sina Riano at Garcia.

Ibinunyag din ng isang biktima na bumili daw si Garcia ng kotse at nag-isyu ng tseke na P250,000 pero hindi ito tinanggap ng bangko.

Lumalabas naman sa record na mayroon nang Warrant of Arrest laban kay Garcia na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) sa Mandaluyong City dahil sa dalawang bilang ng kasong Estafa. 

Patuloy naman ang isinagawang surveillance ng NBI-SOG at dito nila natukoy ang kinaroroonan ng subject.

Kahapon nang namataan sa isang resort sa Bolinao, Pangasinan si Garcia gamit ang sasakyan na binili nito sa isa sa kanyang mga biktima.

At dahil na rin sa bisa ng warrant of arrest na dala ng NBI-SOG ay agad silang pumasok sa resort kung nasaan ang suspek at dito na siya naaresto ng mga otoridad.