Dinampot ng mga otoridad sa United Kingdom ang isang lalaki na gumagawa at nagbebenta ng mga pekeng treatment kits para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa iba’t ibang dako ng mundo.
Ang suspek ay kinilalang si Frank Ludlow, 59-anyos, tubong West Sussex, southern England.
Kinasuhan na si Ludlow ng isang bilang ng fraud by false representation; isang bilang ng possession of articles for use in fraud; at isang bilang ng unlawfully manufacturing a medicinal product.
Ang pagkakaaresto sa suspek ay kasunod ng imbestigasyon na inilunsad ng Intellectual Property Crime Unit (PIPCU) ng City of London Police; Medicines and Healthcare products Regulatory Agency (MHRA); at ng US Food and Drug Administration (FDA).
Nang halughugin ng mga pulis ang tirahan ni Ludlow, tumambad sa mga ito ang 300 karagdagang treatment kits, at tinatayang 20 litro ng kemikal na ginamit sa paggawa ng mga ito.
“The kits are thought to contain potassium thiocyanate and hydrogen peroxide, both of which are extremely harmful chemicals when the user is instructed to wash and rinse their mouth with them,” saad ng pulisya.
Nagsimula ang kaso nang maharang ng mga tauhan ng US Customs and Border Protection agency sa Los Angeles ang isang package noong Marso 18 na nanggaling sa UK.
Laman nito ang 60 magkakahiwalay na COVID-19 treatment kits na may label na “Anti-Pathogenic treatment”. (Reuters)