ROXAS CITY – Napuno ng dugo ang St. Vincent Ferrer Parish Church sa Barangay Cagay, Roxas City matapos magwala ang lalaking nawalan ng bait dahil sa labis na gutom.
Sa interview ng Bombo Radyo kay Punong Barangay Arturo Aragon, mag-uumpisana na umano sana ang misa na pangungunahan ni Fr. Digno Jore nang biglang pumasok ang suspek na si Midel Alborte, 35-anyos.
Pinigilan pang pumasok ang suspek sa loog ng simbahan ngunit nagpumilit itong lumapit sa altar na may bitbit na icepick at stick.
Kaagad na tumawag ng tulong sa Roxas City Police Station ang mga saksi ngunit nang makita ng suspek ang mga otoridad ay mas lalo pa itong nagwala.
Sinipa nito ang ilang kagamitan sa altar, pinaghahampas ang mga imahe at binasag ang iba pang kagamitan na nagresulta sa kaniyang pagkakasugat kung kaya’t kumalat ang dugo.
Ayon pa kay Aragon, madalas daw nagsisimba dati si Alborte sa naturang simbahan ngunit posibleng nawalan ito ng bait dahil sa labis na gutom lalo na ngayong nahaharap sa krisis ang buong bansa.