Roxas City – Matagumpay na naaresto ng mga kawani ng National Bureau of Investigation o (NBI)-Capiz ang isang lalaki sa kanilang isinagawang entrapment operation matapos itong ireklamo dahil sa diumano sextortion.
Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay Agent John Katipunan, Executive Officer ng NBI – Capiz District Office, sinabi nito na personal na dumulog sa kanilang tanggapan ang biktima upang ireklamo ang dating karelasyon nito matapos diumano pagbantaan sya nito na ikakalat ang kanyang mga hubad na larawan at ang kanilang sex videos pag hindi ito pumayag makipagtalik at gawin ang kanyang gusto.
Napag-alaman na dating magkatrabaho ang dalawa sa isang micro-finance company na nakaba-se sa Sara, Iloilo at naging magkasintahan simula noong 2019.
Subalit, unti-unting lumabo ang kanilang relasyon ng nalaman ng biktima na may asawa at anak na pala ang suspek noong 2022 at nagdesisyong iwanan na ito na hindi naman matanggap ng suspek.
Dahil dito, isinagawa ng mga otoridad ang isang operasyon at matagumpay na naaresto ang suspek na kinilala na si Jay-R Cataluña residente ng Sara, Iloilo, matapos itong makipagkita sa biktima sa isang resort sa bayan ng Pontevedra, Capiz.
Nakumpiska naman ng mga otoridad ang cellphone na pagmamay-ari ng suspek na naglalaman ng iba’t-ibang sex videos at hubad na mga litrato nila ng biktima.
Mahaharap sa patong-patong na kaso na paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children, RA 9995 Anti-Photo and Video Voyeurism, at Grave Threat ang suspek.