-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Dinakip ng mga kasapi ng Quezon Police Station ang isang private employee sa Purok 3 barangay Aurora matapos halayin ang pamangkin.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni PCaptain Anthony Ayungo, hepe ng Quezon Police Station na ang biktima ay Grade-5 pupil , 14 anyos habang ang suspect ay 56 anyos , may-asawa , isang private employee at kapwa residente ng bayan ng Quezon, Nueva Vizcaya.

Personal na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang biktima kasama ang kanyang kaibigan nang gabing maganap ang tangkang muling paghalay sa mag-aaral.

Ayon sa biktima habang nanonood ng telebisyon sa kanilang sala ay biglang nilapitan ng pinaghihinalaan at tinangkang gahasain ngunit nakatakas ang mag-aaral at humingi ng saklolo.

Sinabi pa ng biktima na nauna na siyang hinalay ng dalawang beses ng kanyang tiyuhin.

Isinasagawa umano ng pinaghihinalaan ang panggagahasa sa biktima sa tuwing lasing at wala ang kanyang lolo at lola na tumatayong magulang ng biktima.

Kaagad na tumugon ang pulisya at inaresto ang suspect na nahaharap sa kasong two counts of rape.