Inaresto ng pulisya ang isang 25-anyos na lalaki sa isang buy-bust operation sa Sampaloc, Maynila.
Nakuha sa pag-iingat nito ang kabuuang P7,140,000 na halaga ng shabu.
Kinilala ng Manila Police District ang suspek na si Jason Danguecan, residente ng Barangay Silangan, San Mateo, Rizal.
Ayon sa pulisya, naaresto ang suspek sa Padre Campa Street sa Sampaloc alas-7:16 ng gabi noong Lunes matapos ibenta ang umano’y shabu sa isang poseur buyer.
Sa ulat ng pulisya, bitbit ng suspek ang isang dilaw na paper bag na naglalaman ng dalawang transparent plastic sachet ng umano’y shabu na tinatayang may timbang na isang kilo at 50 gramo.
Sinabi ng MPD na ang mga nakumpiskang droga ay isinumite sa MPD-Forensic Unit para sa pagsusuri at kustodiya.
Samantala, nahaharap ang naarestong suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Siya ay pansamantalang nakakulong sa MPD- Drug Enforcement Unit.