KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ng Isulan PNP ang isang suspek na nagbebenta umano ng pekeng gold bar sa bahagi ng Brgy. Kalawag 2, Isulan, Sultan Kudarat.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, kinilala ni Isulan PNP chief of police Lt. Col. Joven Bagaygay ang suspek na si Jolito Basil Sandiman, 29, residente ng Brgy. Bagras, Kalamansig, Sultan Kudarat.
Ayon kay Bagaygay, nahuli si Sandiman sa isinagawang entrapment operation sa naturang lugar kung saan naaktuhan umanong hinihingan ng suspek ng P4,000 ang biktimang si Merlita Dusado, 50, at taga-Brgy. Baluan, Palimbang, Sultan Kudarat.
Nakumpiska mula sa suspek ang maraming ID, ang pekeng gold bar, at isang small sachet ng pinaniniwalaang shabu.
Inamin naman ni Sandiman na nagmula umano sa lungsod ng Davao ang naturang pekeng bagay.
Dagdag ni Bagaygay, modus umano ng kinabibilangang grupo ng suspek na patuloy na manghihingi ng pera sa kanilang biktima kapalit umano ng pagbigay sa kanila ng pekeng gold bar.
Sa ngayon ay sinampahan na ito ng kasong swindling at paglabag sa RA 9165.