DAVAO CITY – Patay ang isang 32 anyos na lalaki matapos itong magtamo ng maraming saksak sa iba’t-ibang parte ng katawan at leeg.
Nakilala ang biktima na si Jericho Funcion, 32 anyos, installer ng bubong at residente ng Brgy. 76-A Bucana, nitong lungsod ng Davao.
Sinasabing naglalaro lamang sana ng Mobile Legends o ML ang biktima kasama ang kanyang pinsan sa may basketball court ng nasabing lugar pasado ala una ng madaling araw.
Base sa salaysay ng mga residente, agad na lamang umano silang hinabol ng isang grupo ng mga kalalakihan ngunit naabutan ang nasabing biktima dahilan na pinagsasaksak ito ng pitong kalalakihan sa iba’t-ibang parte ng kanyang katawan at leeg.
Umabot sa labindalawa (12) ang natamong saksak ng biktima dahilan ng pagkamatay nito.
Sinasabing nagmula umano ang grupo ng pinaghihinalaang gang sa isang riot at may hinahabol itong kalaban.
At dahil na rin nasa basketball court ang biktima kasama ang kanyang pinsan habang naglalaro ng mobile legends, sila ang naabutan at napagbalingan ng galit ng grupo.
Isa pa lang na suspek ang nahuli ng San Pedro Police na nakilalang si Jihad Galante at patuloy pa ring hinahanap ang mga kasamahan nito.
Sa ngayon, nasa morgue ng Southern Philippines Medical Center (SPMC) ang labi ng biktima.
Habang hustisya naman ang hangad ng mga kamag-anak nito.