BAGUIO CITY – Dalawang araw mula nang ireklamo ang pagnanakaw nito ng tatlong baboy sa Pinpinas, Bucay, Abra, bumagsak na sa kamay ng mga otoridad ang suspek.
Nakilala itong si Julius Liberato, 32-anyos na residente ng Bangbangcag, Bucay, Abra.
Ayon sa pulisya, modus ng suspek na magpanggap na bibili ng baboy at isasakay ito sa motorsiklo na may side car o kurung-kurong bago isasama ang biktima patungo sa kanyang kustomer.
Gayunman, habang nasa daan ay magpapanggap ang suspek na nasiraan ang kanyang kurung-kurong kaya papababain ang biktima.
Paghihintayin ng suspek ang biktima sa dahilang kanya na lamang babalikan ito ngunit tatakas na pala.
Gayunman, natunton pa rin ng mga pulis si Liberato kahit pa nakapagpakalbo na ito agad nang nadiskobreng viral na sa social media sa Abra ang video footages ng pagtangay nito sa tatlong baboy.
Napag-alamang ibinenta ni Liberato ang mga baboy sa isang residente ng Lagangilang, Abra.
Samantala, positibong nakilala rin ang suspek na siyang nagtakbo ng dalawa pang baboy mula naman sa biktima nito sa Lusuac, Penarrubia, Abra noong nakaraang linggo.
Depensa naman ng suspek, nangangailangan ito ng pera kaya niya nagawa ang krimen kung saan agad nitong ipinadala sa pamilya sa Manila ang napagbentahan.
Una na ring naireklamo si Liberato nitong mga nakaraang linggo dahil sa pagnanakaw ng manok sa Pidigan, Abra.