-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Arestado ang isang lalaki na nagpapa-free taste umano ng marijuana sa mga menor de edad sa Brgy. Napo, Polangui, Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Police Major Edgar Azotea ang hepe ng Polangui Municipal Police Station (MPS), nahuli umano ang suspek na si Ernald Degoma, 28-anyos, matapos itong ituro ng isang menor de edad na umano’y sapilitang pinatikim nito ng marijuana.

Nabatid na matapos ang dalawang hithit ng marijuana ay nawala sa sarili ang menor de edad dahilan upang kumprontahin ng ama nito ang suspek hanaggang sa madiskubre ang posporo ni Degoma na naglalaman ng marijuana.

Agad naman na tumawag ng mga pulis ang residente sa lugar at hinuli si Degoma na ngayon ay nakatakda ng sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, ayon kay Police Major Azotea, posible umanong istilo ng suspek ang pagpapatikim ng droga sa mga menor de edad upang maengganyo rin na gumamit at bumili ng marijuana.