-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nasagip ng isang delivery driver sa Tagum City, Davao del Norte ang isang lalaki na nagtangkang kitilin ang kanyang sariling buhay sa pamamagitan ng pagtalon sa isang flyover.

Ayon sa kwento na itinampok ng Tagum City Government, isang Joseph Lamanilao ang pumigil sa 25 taong gulang na lakaki na sinubukan pang umakyat at tumalon sa Tagum City Flyover noong nakaraang gabi matapos mawalan ng trabaho at hiniwalayan ng kanyang asawa.

Naramdaman ni Joseph ang pait ng pakikipaghiwalay sa minamahal kaya’t wala syang pagdadalawang isip na iniligtas ito.

Dagdag pa niya na niyakap nya ang lalaki upang maramdaman nyang may nagmamahal pa sa kanya.

Umani ng mga papuri sa social media ang pag-sagip ni Joseph sa lalaki, ngunit nagpaalala rin siya sa publiko na huwag agad husgahan ang naturang lalaki na nagtangkang magpakamatay.

Buong galak din niyang naihayag na dumarami ang mga nagpapadeliver sa kanya ng pagkain bilang food delivery rider matapos ang kanyang matapang at mapangahas nyang pagsagip.

Ayon sa World Health Organization, umabot na sa 2,325 o 0.34% ang suicide deaths dito sa Pilipinas.

Kung makaranas man ng mental health crisis, wag mag-atubiling tumawag sa National Center for Mental Health Crisis Hotline sa numerong 0917-899-8727 o 989-8727.