LEGAZPI CITY – Wala nang kawala sa mga otoridad ang isang lalaki matapos na silbihan ng mandamiento de aresto at arestuhin sa Brgy. Agdangan, Padre Burgos, Quezon.
Nahaharap sa kasong panghahalay si Dennie Entico, 47, na residente ng Brgy. Mananao sa Rapu-rapu, Albay subalit kasalukuyang nananatili sa nasabing lugar.
Ayon kay Capt. Winefredo Padilla, hepe ng Rapu-Rapu PNP sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mula pa Enero noong taong 2017 pinaghahanap ang nasabing suspek na tumakas sa bayan matapos isagawa ang krimen.
Suspek ito sa panghahalay sa biktimang may sakit sa pag-iisip at napag-alamang kamag-anak pa ni Entico.
Isa sa mga katrabaho ni Entico sa Quezon ang nagpaabot ng impormasyon na agad namang nirespondehan ng mga otoridad.
Si Entico ang itinuturing bilang ikaapat sa municipal most wanted person ng nasabing island town.