KALIBO, Aklan—Patay ang isang lalake na naniningil lamang ng utang matapos na tadtarin ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan sa loob mismo ng barangay hall ng Bulabod, Malinao, Aklan.
Kinilala ang biktimang si Sherwin Retiro, sa legal na edad, residente ng Barangay Rosario, Malinao habang ang suspek naman ay si Dandy Opeñano, 39-anyos at residente ng nasabing barangay.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni P/Capt. Christian John Nalangan, hepe ng Malinao Municipal Police Station na bago pa man nangyari ang insidente ay pumunta ang biktima sa barangay hall upang humingi sana ng tulong sa mga barangay official na masingil ang suspek sa balanse nitong P2,000 na danyos sa pagpagamot sa kaniyang anak na sinuntok ni Opeñano.
Nang malaman ito ng suspek, dali-dali siyang umuwi at kumuha ng patalim at sinugod ang biktima sa barangay hall na nakikipag-usap sa mga opisyal.
Makailang ulit nitong sinaksak ang biktima at nagkaroon ng malubhang tama sa kaniyang dibdib na naging dahilan ng kaniyang agarang pagkamatay.
Matapos ang insidente ay tumakas ang suspek ngunit kalaunan ay sumuko rin ito sa isang kagawad ng Barangay Kinalangay Viejo, Malinao, Aklan.
Sa kasalukuyan ay nasa kustudiya na ng pulisya si Opeñano at nahaharap sa kasong murder.