-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Naaresto ang isang lalaking nanloob sa dalawang establisyimento sa Santiago City sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa bahay ng suspek sa Maria Clara, Diffun, Quirino.

Ang pinaghihinalaan ay si Eduardo Balbuena II, 34-anyos, may-asawa at residente ng nabanggit na lugar.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Romel Cancejo Station Commander ng Santiago City Police Office (SCPO) Station 2 sinabi niyang unang nabiktima ng pinaghihinalaan ang isang tindahan ng prutas sa Brgy. Rizal.

Bago ang pagnanakaw ay nakiusap ang suspek na makikigamit ng banyo at dito ay nagawa umano niyang obserbahan ang galaw ng tindero at kung paano buksan ang kaha.

Bumalik ang pinaghihinalaan at nataon namang wala ang may-ari at ang nagtitinda lamang ang naiwan.

Nang malingap ang tindero ay nagawang buksan ng suspek ang kaha at kinuha ang P3,000 pera at agad na umalis.

Pagkatapos ng pangyayari ay sumunod na nagtungo ang pinaghihinalaan sa isang gasolinahan sa Brgy. Calao East.

Batay sa mga kuha ng CCTV Camera, ipinarada ng suspek ang kanyang kotse malapit sa gasolinahan at naglakad papunta sa booth ng cashier.

Sinamantala umano nito ang pagkakataon habang abala ang mga tao sa gasolinahan at pinasok ang booth at kinuha ang P86,000 na halaga ng pera.

Makikita sa CCTV Camera ang ginawang pagtakbo ng pinaghihinalaan pabalik sa kanyang kotse at nahulog pa ang ilang pera na kanyang ninakaw at tinulungan naman siya ng isang motorista sa pagpulot ng pera.

Pagkatapos maireport sa pulisya ang mga pangyayari ay agad na nagsagawa ang Presinto Uno at Presinto Dos ng hot pursuit operation at natunton ang pinaghihinalaan sa kanyang bahay sa Diffun, Quirino.

Ayon kay PMaj. Cancejo, nagpapainom pa si Balbuena sa kanyang mga kaibigan nang siya ay arestuhin.

Hindi na rin umano ito nakapalag nang ipakita sa kanya ang mga kuha ng CCTV Camera, at maging ang kanyang mga kamag-anak ay aminadong siya ang nakunan ng video.

Marami na umanong kaso ng pagnanakaw ang suspek sa Diffun, Cabarroguis, at sa Santiago City subalit inaayos agad ng kanyang asawang guro.

Kahapon ng umaga ay nagtungo sa kanilang himpilan ang ilan pang naging biktima ng suspek.

Mapapansin naman sa mga kuha ng CCTV Camera, na nakangiti ang lalaki tuwing naisasagawa nito ang pagnanakaw.

Nabawi naman sa kanya ang P71,000 na pinaniniwalang natira mula sa kanyang ninakaw na salapi sa gasolinahan.

Ayon sa mga ninakawan ni Balbuena, desidido silang kasuhan ang suspek upang hindi na makapambiktima pa ng iba.

Nakapiit na ang pinaghihinalaan sa detention facility ng SCPO Station 1 at inihahanda na ang kasong pagnanakaw laban sa kanya.